BACOLOD CITY – Binawian na ng buhay ang mister na sumaksak sa kanyang tiyan makaraang pinatay nito ang kanyang misis sa Victorias City, Negros Occidental nitong Huwebes.
Nakahimlay ngayon sa magkahiwalay na punerarya ang mag-asawa kasunod ng karumaldumal na krimen na nangyari mismo sa loob ng kanilang bahay sa Victorias City.
Nakaraang Setyembre 19 ng umaga, pinatay ni Henry Biote, 53 ang kanyang misis na si Noemi, 40, sa loob ng kanilang bahay sa Hacienda Basa, Barangay 13, Victorias City.
Sinaksak ng 13 beses ng mister ang kanyang misis na nagresulta sa agarang pagkamatay nito.
Pagkatapos ng pagpatay sa kanyang misis, nagtangka din itong magpakamatay at sinaksak ang kanyang sarili ngunit nadala pa ito sa hospital ngunit binawian din ito ng buhay.
Selos ang tinitingnang motibo sa krimen.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Lt. Col. Eduardo Corpuz, hepe ng Victorias City Police Station, napag-alaman na bago ang krimen, nag-away ang mag-asawa dahil gusto na sana ng misis na makipaghiwalay sa mister nito.