LA UNION – Laking gulat ng isang 61-anyos na babae na nagjo-jogging nang makita ang isang lalaki na nakabitin sa isang puno ng kakawate o mas kilala sa pangalang Madre Cacao tree, mula sa isang bakanteng lote sa Barangay Parian, San Fernando City, La Union.
Nangyari ang insidente, bandang alas 8:10 ng umaga kahapon.
Agad rumesponde ang San Fernando City Police kasama ang ilang opisyal ng City Health and Wellness Center at kinumpirma na patay na matapos magbigti ang nasabing lalaki nang ibaba ito mula sa nasabing puno.
Ang lalaki na hindi pa pinangalanan ay 34 anyos na mister, isang karpintero at residente ng Barangay Poro dito sa syudad.
Sinabi ni Pol. Cpl. Francisco Baobaoen Jr. imbestigador ng SFC police, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na problema ng mag-asawa ang nakikitang dahilan ng pagkitil sa sariling buhay ng biktima.
Kinumpirma rin ni Dr. Romulo Monico ng City Health and Wellness Center na walang senyales ng pamumuwersa sa pagpapakamatay ng biktima.
Agad dinala ang bangkay sa isang funeral parlor dito sa syudad.