ROXAS CITY – Palaisipan sa ngayon kung bakit nagawang kainin ng isang mister ang mga buhay na manok, sa Barangay Cagay, lungsod ng Roxas.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay alyas ‘Papet’ 34-taong gulang, sinabi nito na hindi niya din lubos maisip na nakain niya ang dalawang buhay na manok.
Naniniwala ito at ang kanyang pamilya na sinaniban ito ng masamang espiritu, dahil sa pagputol sa malaking puno ng santol sa pinagtatrabahuan na manukan sa isang bayan, na sinasabing pinaninirahan ng engkanto.
Inamin din ng lalaki na nakagamit ito ng iligal na droga ngunit mabilis din nitong binawi ang pahayag at sinabing lasing lang ito ng nangyari ang hindi normal na gawain.
Sinuportahan naman ng kanyang Ama ang naging pahayag na hindi ito gumagamit ng iligal na droga.
Sa ngayon, pansamantalang pinatuloy sa lumang barangay hall ng nasabing barangay ang nasabing mister habang hinihintay ang doktor na titingin sa kanyang kalagayan.