CEBU CITY – Nasa state of shock at labis na lungkot ang nararamdaman ngayon ng isang mister matapos na magpatiwakal ang kanyang asawa sa may Sitio Abaya, Brgy. Kangkaibe, isla ng Bantayan, Cebu.
Kinilala ang nagpakamatay na si Teresita Despe, 27.
Ayon kay M/Sgt Raymund Pepito, imbestigador ng Bantayan Police Station, na nakatanggap sila ng tawag mula sa mister na si alyas Boy kaugnay sa nasabing trahedya kung saan dahil lamang umano sa isang sabon ay nagsuicide ang kanyang misis.
Napag-alaman na inutusan ni “Boy” ang kanyang asawa na mangutang ng sabon sa tindahan ngunit umuwi ito ng walang bitbit na naging dahilan nang pag-away ng dalawa.
Matapos umano ng kanilang away ay natulog muna si “Boy” kasama ang kanilang batang anak.
Nang magising, laking gulat na lang umano ni “Boy” nang makita niya ang kanyang asawa na nakabitay at may taling pisi ang leeg sa may bahagi ng kanilang hagdan.
Nakita rin umano ito ng kanilang anak.
Agad na sinubukang iligtas ng mister ang kanyang misis ngunit huli na ang lahat.