TUGUEGARAO CITY-Nahaharap sa kasong parricide ang isang seaman matapos nitong saksakin ang kaniyang misis sa Brgy. Centro 1, Sanchez Mira, Cagayan.
parricide.jpg
Ayon kay PLt. Elixer Reolalas, deputy chief of police ng Sanchez Mira, habang nasa loob ng bahay ang biktima na si Pamela Puzon, 28 anyos kasama ang dalawang anak ay dumating ang mister na si Joshua Mark Puzon, 26 anyos at kumatok ng malakas sa kanilang pintuan at nang pagbuksan ng misis ay dito na siya sinaksak ng maraming beses sa harap ng kanilang limang taong gulang na anak.
Matapos umalis ang mister gamit ang motorsiklo ay dito na rin lumabas ang limang-taong gulang na anak at himingi ng sakloklo at isinagaw na sinaksak ng kanyang ama ang kaniyang ina.
Nagkataon naman na dumaan sa lugar ang kapatid na lalaki ng biktima at agad na tinungo ang bahay kung saan ay nadatnan niya na nakahandusay at duguan ang biktima sa kanilang silid.
Agad na dinala ang biktima sa ospital subalit binawian din ng buhay dahil sa walong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Subalit bago binawian ng buhay ay nasabi ng biktima na ang kanyang mister ang sumaksak sa kanya.
Sa isinagawang pagtugis sa akusado ay nahuli siya sa bahay ng kanyang lola sa Flora, Apayao.
Sinabi ni Reolalas na selos ang nakikitang nagtulak sa mister sa ginawang krimen dahil sa naghihinala siya na may ibang lalaki ang kanyang misis.
Nakakulong ngayon sa PNP Sanchez Mira ang akusado samantalang sumasailalim sa stress debriefing ang kanilang 5-anyos na anak na nakasaksi sa krimen.