KORONADAL CITY – Nagpapatuloy pa sa ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pagpatay ng isang padre de pamilya sa kanyang asawa at dalawang menor de edad na anak bago nagpakamatay sa bayan ng Tupi, South Cotabato.
Kinilala ni Major Rafael Banggay Jr., hepe ng Tupi PNP ang mga nasawing biktima na sina Beverlyn Dinal, 27, mga anak nitong sina alias Shelton at alias Peter na kapwa menor de edad at mga residente ng Sitio Glandang, Barangay Kablon, Tupi, South Cotabato habang ang suspek na nagpakamatay matapos gawin ang krimen ay kinilalang Allan Dinal, 37, na isang magsasaka.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Koronadal kay Col. Nathaniel Villegas, provincial director ng South Cotabato, lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na nangyari ang insidente alas-9:35 kagabi sa bulubunduking bahagi ng nabanggit na lugar kung saan narinig ng mga kapitbahay ng mga biktima na nag-aaway ang mag-asawa samantalang umiiyak naman ang dalawang anak ng mga ito.
Pagkalipas umano ng kalahating oras ang tumahimik na ang mga ito kaya’t siniyasat ng kapatid ng suspek ang kanilang bahay at doon na nakitang nakahandusay sa higaan ang mga biktima na duguan at wala ng buhay.
Maging ang suspek ay hawak pa ang balisong na ginamit sa asawa at mga anak nito na siyang ginamit niya rin sa pagpapakamatay.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima habang isinugod pa sa ospital ang suspek ngunit dead on arrival na ito.
Matinding selos naman umano ang nakikitang dahilan ng mga otoridad sa nasabing insidente dahil sa nagtatratabo ang asawa ng suspek at ilang araw umanong hindi nakauwi.
Narekober sa crime scene ang dalawa folded knife na ginamit pananaksak sa mga biktima at pagpapatiwakal ng suspek na padre de pamilya.