Binalaan ng Sandiganbayan si Moro National Liberation Front (MNLF) founding chair Nur Misuari dahil sa hindi nito pagtupad sa mga kondisyong inilatag ng korte kaugnay sa kanyang biyahe sa ilang mga bansa sa Middle East.
Ayon sa resolusyon ng Third Division ng anti-graft court na may petsang Mayo 22, hindi raw kasi nagpakita si Misuari sa korte limang araw matapos itong bumalik sa Pilipinas.
“Accused-movant Nur Misuari is sternly warned that any repetition of the non-compliance of any of the conditions imposed for this travel shall be dealt with more severely,” saad sa resolusyon.
Nahaharap si Misuari sa tigdalawang bilang ng graft at malversation sa pamamagitan ng pagpalsipika sa pampublikong mga dokumento dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga educational materials noong ito pa ang gobernador ng Autonomous Region of Muslim Mindanao.
Gayunman, hindi naman pinagbigyan ng korte ang hiling ng prosekusyon na dakpin si Misuari dahil dito.
Tinanggihan din ng hukuman ang hiling na ipawalang-bisa ang piyansa at travel bonds na inilagak ni Misuari para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Nagtungo sa United Arab Emirates at sa Kingdom of Morocco si Misuari noong Pebrero 26 hanggang Marso 20 para dumalo sa mga pulong sa Organization of Islamic Cooperation (OIC).
Sinabi ng Sandiganbayan, “balido at katanggap-tanggap” naman daw ang mga rasong inilahad ni Misuari sa hindi nito pagpapakita sa korte.
Idinahilan kasi ni Misuari na kaya raw siya hindi nagpakita sa korte ay dahil sa nagsasagawa raw ito ng masinsinan at nakakapagod na konsultasyon sa kanyang mga field commanders at advisers, at naghahanda rin umano ito sa pagpupulong nila ng Pangulong Rodrigo Duterte.
“Misuari himself understands this condition but cites reasons for his inability to comply. However, the prosecution vehemently remains unmoved,†batay sa resolusyon na si Associate Justice Benelito Fernandez ang ponente.
Pinaalalahanan din si Misuari na maaaring maharap ito sa mas mabigat na parusa kung lumabag itong muli sa mga kondisyon.
“However, it must be emphasized that this leniency should not be interpreted as a relaxation of the conditions that may be imposed for foreign travels of accused-movant Misuari in the future,†giit ng korte.