-- Advertisements --
nur duterte
Duterte and Misuari meeting at Matina Enclaves in Davao City (photo from Sen. Bong Go)

Inanunsiyo nang Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagtatalaga sa kontrobersiyal na founding chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF) na si Nur Misuari bilang special envoy.

Ginawa nang Pangulo ang pahayag sa ginanap na pagpupulong ng Peace Coordinating Committee sa Matina Enclaves sa lungsod ng Davao.

Sa statement na inilabas ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, pinangalanan ng Pangulo si Misuari bilang special economic envoy to the Organization of Islamic Cooperation (OIC).

Ang OIC ang second largest inter-governmental body kasunod ng United Nations.

Nagpaliwanag naman ang Pangulong Duterte sa appointment ni Misuari, na isang dating propesor sa University of the Philippines, ay dahil marami raw itong kaibigan na mga Muslim leaders.

Ayon sa Pangulo mahalaga ang gagampanang papel ni Misuari bilang special envoy upang mapalakas pa ang pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa mga Islamic countries.

“Brother Nur has occupied several positions in the past. Considered it as an honor for me to delegate you as special envoy of the government so that you can foster further lasting relationships with the leaders of the Islamic countries,” ani President Duterte. “Most of the leaders of the OIC are friends of Nur. It’s good that Allah has given you a longer life to see these things because I do not think that there is other Moro personality that could command the respect and trust of the OIC but only you. You are the only one who can bring the case to the OIC and get the results.”

Sinasabing dadalo si Misuari sa annual meeting ng Parliamentary Union of the OIC sa Burkina Faso sa January 2020, isang buwan bago naman bumisita sa Pilipinas ang mga lider ng naturang international agency.

Kaugnay nito, todo naman ang pagpapasalamat ni Misuari sa pagtitiwala sa kanya ng Presidente.

Kung maaalala si Misuari ay dating governor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na pinalitan na ngayon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang OIC ay nagkaroon din ng malaking papel sa pagbuo ng Bangsamoro.

Noong taong 2013 kinasuhan si Nur sa pagkakasangkot sa tinaguriang Zamboanga siege nang magsagawa nang pagsalakay ang MNLF na nag-iwan ng 200 katao na nasawi sa Zamboanga City.

Samantala sa ginanap namang pagpupulong sa Davao City, nagkasundo umano ang gobyerno at MNLF na ipagpatuloy ang pagsusulong sa implementasyon ng natitira pang commitments sa ilalim ng Tripartite Review Process (TRP) ng 1996 Final Peace Agreement.

“At least before I step down, I want to see an enduring peace in Mindanao,” pahayag pa ni Duterte.

Liban kay Misuari ang meeting ay dinaluhan din ng iba pang bahagi ng MNLF Peace Coordinating Committee na sina Atty. Joel Obar, Atty. Yaser Lumbos, Atty. Mohammad Ali Guro, Dr. Udtog Kawit, Atty. Alongan Dimacaling at Atty. Arthur Lim na kinatawan ni Atty. Ma. Victoria P. Lim-Florido.

Sa government side, ang team ay pinangunahan naman ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr., na hinirang din ni Presidente Duterte bilang chairman ng six-member team ng pamahalaan.

Ang iba pang mga miyembro ay sina presidential spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, National Defense Undersecretary Cesar Yano, Presidential Adviser on Military Affairs Undersecretary Arthur Tabaquero, Bangsamoro Transition Authority member Nabil Tan at retired Brig. Gen. Buenaventura Pascual.

Nakibahagi rin sa pulong si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go at ilang miyembro ng gabinete na sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Interior Secretary Eduardo Manahan Año, Solicitor General Jose Calida, Undersecretary Ernesto Abella mula sa Department of Foreign Affairs at Prosecutor Rassendell Rex Gingoyon ng Justice Department.

Magsisilbi namang advisers sa government coordinating committee sina dating Executive Secretaries Eduardo Ermita at Ruben Torres na nagkaroon ng malaking papel sa pagbalangkas noon ng 1996 Final Peace Agreement.