-- Advertisements --

Umapela si Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari sa Sandiganbayan na pahintulutan siya sa kanyang hiling na dalawang linggong pilgrimage sa Saudi Arabia bilang paggunita sa banal na buwan ng Ramadan.

Personal na dumalo si Misuari sa pagdinig ng Third Division ng anti-graft court nitong araw para i-apela ang approval ng kanyang motion to travel.

Sa kanyang mosyon, sinabi ni Misuari na nakatakda siyang umalis ng Manila sa Mayo 23 at babalik ng bansa sa Hunyo 15.

“He is devout Muslim, a political and religious leader looked upon by his people as a role model in observing the teachings of the Holy Quran and in observing the five pillars of Islam among them making a pilgrimage to the holy land of Mecca,” bahagi ng petisyon ni Misuari.

Iginiit din nito na hindi naman siya flight risk at handa ring sumunod sa mga kondisyon na ibibigay ng Sandiganbayan para sa biyahe niyang ito.

Kung pagbibigyan, ito na ang ikalawang biyahe abroad ni Misuari makaraang madiin siya sa Sandiganbayan noong 2017.

Nauna na siyang bumiyahe sa United Arab Emirates at Morocco sa loob ng halos isang buwan para dumalo naman sa pan-Islamic summits.

Si Misuari ay nahaharap sa dalawang bilang ng kasong graft at malversation dahil sa umano’y pagbibigay ng undue advantage sa CPR Publishing House, MBJ Learning Tools, at White Orchids para sa procurement ng “ghost textbooks” mula 2000 hanggang 2001 nang siya ay gobernador pa ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.