Muling nagtala ng franchise record ang league leading na Utah Jazz ng kanilang itala ang ika-21 panalo sa home games laban sa Chicago Bulls, 113-106.
Nanguna na naman sa opensa ng Jazz si Donovan Mitchell na may 26 points na sinuportahan ni Rudy Gobert na may 19 points at 13 rebounds.
Hindi rin naman nagpahuli mula sa bench si Jordan Clarkson na nag-ambag ng 19 points kasama na ang tatlong 3-point shot.
Ito na ang ika-74 na games na palaging merong isa o higit pa na punto sa 3-point area ang Filipino American player.
Malaking tulong din naman ang ginawa ni Bojan Bogdanovic na nagpakita ng 18 points at season-high na eight rebounds para sa kanilang 37-11 record.
Samantala para naman sa Bulls ito na ang ika-anim na sunod nilang talo para masadlak sa record na 19-28.
Angat naman si Thaddeus Young sa Bulls na may 25 points, Zach LaVine na nagdagdag ng 23 at si Nikola Vucevic ay may 16 points at eight rebounds.