Isang panalo na lamang ang kailangan ng Utah Jazz para umusad sa semifinals sa Western Conference matapos itumba ang Denver Nuggets sa Game 4 sa score na 129-127.
Sa ngayon abanse na serye ang Jazz 3-1.
Naging makasaysayan ang banggaan ng dalawang magkaribal na team nang magpaligsahan sa tira sina Donovan Mitchell na nagbigay ng 51 big points sa Utah, habang si Jamal Murray naman ay nagpakawala ng 50 points para sa Denver.
Sa tindi ng init ng kamay ni Mitchell nagpasok ito ng 15 mula sa 27 pagtatangka habang pumasok ang 17 tira mula sa 18 sa free throw lines.
Bago ito kung maalala ang 23-anyos na si Mitchell ay umiskor din ng 57 points sa Game 1.
Dahil dito, nag-a-average siya ngayon sa 39.5 points sa serye.
Bunsod nang nakakamanghang performance ni Mitchell, nahanay tuloy siya sa mga legends na sina Michael Jordan, Allen Iverson at Wilt Chamberlain.
Ang naturang apat ang tanging mga NBA players na nagpakita ng dalawang tig-50 o mahigit na point games sa isang single postseason.
“I’m honored to be in that category but we’re doing all of this in the first round,” ani Mitchell matapos ang game. “We’ve been here before and we’ve got to find ways to get to the second round and then it’s conference finals and a championship. That’s the ultimate goal at the end of the day.”
Sa panig naman ni Murray, siya ang tanging Denver player na umiskor ng most-ever points sa isang postseason game.
Ang kanyang offensive explosion ay nalampasan niya ang ginawa noon ni Spencer Haywood na 45 points sa ABA playoff game noon pang April 19, 1970.
Labis naman ang pagbilib ni Nuggets coach Michael Malone sa all around plays ni Murray na nagdagdag din ng 11 rebounds.
Samantala ang iba pang Jazz players na sina Rudy Gobert ay meron ding big game na nagtapos sa 17 points at 11 rebounds.
Ang nagbabalik na si Mike Conley ay umeksena rin gamit ang 26 points para sa Utah.
Habang ang reserve na Filipino American player na si Jordan Clarkson ay hindi rin nagpahuli sa kanyang 24 points.
Sa tindi ng swerte ng Jazz umabot sa 57.5% ang pumasok na mga tira nila mula sa floor.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Murray na meron pa silang ibubuga at pipilitin nilang mapalawig ang serye habang lumalaban.