-- Advertisements --
maguindanao massacre victims family harry

KORONADAL CITY – Magkahalo umano ang nararamdaman sa ngayon ng mga anak ni Bombo Bart Maravilla, ang dating chief of reporters ng Bombo Radyo Koronadal matapos na masaksihan ang inilabas na promulgation of judgement ng Maguindanao massacre.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Janchiene Maravilla, pangalawang anak ni Bombo Bart, masaya na dismayado umano sila ng kaniyang mga kapatid sa desisyon ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes.

Ayon kay Janchiene, masaya sila dahil guilty ang naging hatol sa makapangyarihan noon na mga Ampatuan clan at kabilang sa sinentensiyahang makulong ng reclusion perpetua o hanggang 40 taon ay ang magkapatid na sina dating Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan at dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.

Ngunit, malungkot at dismayado dahil ang itinuturing na patriach ng mga Ampatuan na pumanaw na si Andal Sr. ay inabswelto at ang iba pa kasama na sina Akmad alias Tato, Sajid Islam, Jonathan, Jimmy at marami pang personalidad na inabswelto dahil sa kabiguan daw ng prosekusyon na mapatunayan na may kinalaman sila sa krimen.

Maliban dito, galit at pangamba naman sa seguridad ng mga ito sa ngayon ang nararamdaman ng mga anak ni Bombo Bart dahil sa ruling ng huwes sa 14 na mga police officers kasama na si Bong Andal na siyang nag-operate sa backhoe na hinatulan lamang ng maiksi na anim hanggang sa 10 taon na pagkakabilanggo matapos na matukoy na sila ay “accessories to the crime.”

Kasabay nito, pinasalamatan nila ang naging desisyon ni Judge Solis-Reyes dahil ginawa niya umano ang nararapat.