-- Advertisements --

Tinutulak ng miyembro ng House ‘Young Guns’ bloc ang isang imbestigasyon ukol sa umano’y maling paggamit ng pondo ng gobyerno at mga irregularidad sa operation ng mga opisina ng alkalde at bise-alkalde sa Bauan, Batangas, sa ilalim ni Mayor Ryanh Dolor.

Ang hakbang na ito ay pinangungunahan ng mga pangunahing mambabatas kabilang sina Deputy Majority Leader Rep. Paolo Ortega, Assistant Majority Leaders Rep. Amparo Maria Zamora, Rep. Jeff Khonghun, Rep. Zia Alonto Adiong, Rep. Jil Bongalon, at Assistant Minority Leader Rep. Rodge Gutierrez.

Ayon sa resolusyon, HR No. 2148, naglalayong magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa posibleng katiwalian, batay sa isang Notice of Disallowance mula sa Commission on Audit (COA) na inilabas noong Nobyembre 2018.

Ipinakita ng COA ang mga irregularidad sa isang proseso ng bidding na kinasasangkutan ang Aquadata, Inc., na na-awardan ng General Management Contract (GMC) kahit na hindi ito nakakatugon sa mga legal at pinansyal na kinakailangan.

Ang privatization ng Bauan Water System (BWS) sa ilalim ng kontratang ito ay nagresulta umano sa isang hindi kanais-nais na kasunduan sa pagbabahagi ng kita, kung saan nakakuha ang Aquadata, Inc. ng 95% na kita habang ang Bauan ay nakakuha lamang ng 5% na kita.

Bukod pa rito, ang pagbebenta ng pasilidad ng BWS sa isang napakababa at hindi tamang halaga ay lalong nagpalala ng mga pagkalugi ng munisipalidad.

Itinutukoy din ng resolusyon ang mga posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA No. 3019), dulot ng mga irregularidad sa privatization at pagpapaupa ng lupa. Layunin din ng imbestigasyon na isulong ang mabuting pamamahala at transparency sa harap ng mga umano’y maling gawain.