Naaresto na ang ikalimang suspek sa tangkang pagpapasabog sa US Embassy noong November 2016.
Nakilala ang suspek na si Nasip Ibrahim sa Barangay Culiat, Quezon City dakong alas-9:00 kagabi.
Sinasabing ito umano ang nagplano sa tangkang pagpasabog.
Ayon sa PNP, pamangkin din si Ibrahim ng Maute sub-leader na si Isnadie Ibrahim na siyang nagplano din sa pagpapasabog sa Metro Manila.
Batay sa imbestigasyon si Ibrahim ang nagmamaneho ng sasakyang Revo na ginamit sa planong pagpapasabog sa US Embassy.
Samantala, aminado ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nakapag establish na ng kanilang pwersa ang teroristang Maute group sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO chief police Director Oscar Albayalde, tukoy na rin nila ang ilang mga lugar na ginawang secret haven ng teroristang grupo.
Isa sa mga nadiskubreng kuta ng Maute terror Group ay sa may Tanza, Cavite.
Sinabi ni Albayalde na ilan sa mga miyembro ng Maute group sa Metro Manila ay matagal ng naninirahan na siyang nagbibigay ng suporta lalo na sa mga sasakyan at tirahan para sa mga miyembro ng Maute members na mula pa sa Mindanao.
Ibinunyag ni Albayalde na nasa lima hanggang anim ang miyembro sa bawat cell ng Maute terror group.
Sa kabilang dako, umapela naman si PNP chief police Director General Ronald dela Rosa sa publiko na maging mahinahon, maging alerto at mapagmatyag kasunod sa pagkaka aresto ng isang miyembro ng teroristang grupo.