CEBU CITY- Nababahala ngayon ang mga residente ng mountain barangays ng lungsod ng Cebu matapos na may mga lalaking sakay ng motorsiklo na nakatakip ang mga mukha habang lumilibot sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa mga residente, sinasabing maaga pa lang ay nakita na nila ang nasabing mga kalalakihan na palibut-libot sa kanilang barangay.
Di-umano’y tinakot ng mga ito ang mga residente ng Barangay Bonbon, Sudlon II, Pung-ol Sibugay, Talamban, at San Jose na babalikan ng mga nasabing kalalakihan kung boboto ngayong araw.
Dagdag pa nito, sinasabing mino-monitor sila ng mga ito.
Base sa report, iilan sa mga naka-motor ang sinabing sila ay miyembro raw ng DDS.
Inaalam ngayon kung ito ba ay Duterte Diehard Supporters o Davao Death Squad na sinasabing hit squad na responsable sa mga patayan sa lungsod ng Davao noong si Presidente Rodrigo Duterte pa ang alkalde ng lungsod.
Habang, pinabulaanan naman ng magkabilang partido, BOPK at Team BARUG, na sa kanila ang nasabing kahina-hinalang mga kalalakihan.
Nilinaw naman ni Police Lt. Col Wilbert Parilla, ang head ng City Monitoring Action Center o CEMAC, na wala silang natanggap na report patungkol dito ngunit kanila itong imo-monitor.