NAGA CITY – Nailibing na ang miyembro ng New People’s Army (NPA) na namatay sa nangyaring engkwentro sa Sitio Castilla, Brgy. Napolidan, Lupi, Camarines Sur.
Kung maaalala, nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng mga pinaniniwalaang miyembro ng NPA sa nasabing lugar noong Mayo 26, kung saan binawian ng buhay ang isa sa mga miyembro ng nasabing grupo.
Samantala, sa pagtutulungan ng mga pulis at sundalo, maayos at marangal na nailibing ang hindi pa nakikilalang miyembro ng nasabing rebeldeng grupo.
Kung kaya, patuloy ang pananawagan ng Lupi Municipal Police Station sa sinuman na nakakakilala sa nasabing kasapi ng makakaliwang grupo na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan para sa posibleng pagkakakilanlan nito.
Patuloy rin ang paghihiyakat ng pulisya sa iba pang mga kasapi ng NPA na sumuko na at makipagtulungan na lamang sa pamahalaan.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang mga programang ibinibigay ng pamahalaan para sa mga dating miyembro ng rebeldeng grupo na nagbalik loob sa pamahalaan.
Kasama sa nasabing mga programa ay ang Enhance Community Local Integration Program (E-CLIP) na naglalayong matulungan ang mga dating miyembro ng CPP-NPA-NDF at Militia ng Bayan na muling mamuhay ng maayos kasama ang kanilang mga pamilya.