NAGA CITY – Dead on the spot ang isang miyembro ng PNP Maritime Group Bicol matapos itong magulungan ng truck sa kahabaan ng Quirino Highway Poblacion, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Patrolman Arvin Taborda, 31, nakabase sa PNP Maritime Unit sa Bicol region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maj Marcelito Platino, chief of police ng Tagkawayan Municipal Police Station, sinabi nito na batay sa kanilang imbestigasyon, napag-alaman na habang binabaybay ng biktima ang kahabaan ng nasabing kalsada gamit ang kaniyang motorsiklo nang mawalan ito ng balanse dahilan upang mag-slide at mapasailaim at magulungan pa ito ng isang truck.
Dagdag pa ni Platino, agad na nagsagawa ang mga otoridad ng hot pursuit operation matapos ang insidente dahil hindi aniya napansin ng driver ng truck na si Renato Abong na ito ay nakasagasa, kung saan hinabol pa ito ng mga otoridad hanggang makarating sa Del Gallego, Camarines Sur.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag alaman na galing ang biktima sa isang court hearing kung saan pabalik na sana ito sa kanilang mother-unit ng mangyari ang insidente.
Dagdag pa ng opisyal, batay rin aniya sa ulat ng mga witness na medyo nagmamadali ang biktima sa kaniyang pagmamaneho at madulas din ang kalsada ng mga oras na iyon kung saan ito rin ang nakikitang dahilan ng pagslide ng motorsiklo.
Sa ngayon, nasa kustodiya na nga mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.