-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Maaring makapag-avail ng sickness benefit ang mga miyembro ng Social Security System o SSS na nagpositibo sa RT-PCR test o antigen test.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Porfirio Balatico, Vice President ng SSS North Luzon 2 Division na kung dinapuan ng COVID-19 ang isang miyembro ay maaring maghain ng SSS benefits sa pamamagitan ng regular sickness benefits at mabibigyan sila ng labing apat hanggang tatlumpong araw.

Gayunman ay kailangang magpakita ng patunay na nagpositibo sa RT-PCR o SWAB test o di naman kaya ay antigen test.

Kung muli namang nagpositibo ay puwede pa ring maghain ng sickness benefit.

Aniya, kung nakuha ito sa trabaho ay puwede ring isabay sa pag-claim ng easy sickness benefit at ang karagdagang requirement lamang ay ang employers log book at daily time record.

Pinayuhan niya ang mga SSS member na nagpositibo sa COVID-19 na agad mag-quarantine at ipaalam lamang sa kanilang employer at ang employer na nila ang bahalang makipagtransaksyon sa SSS.

Ang mahalaga naman aniya rito ay maihain sa reglementary period na limang araw mula sa empliyado papunta sa employer at limang araw din mula sa employer patungong SSS.

Sa mga na-expose naman sa COVID-19 positive pero negatibo sa COVID-19 at nakaranas ng sintomas gaya ng ubo ay puwede ring maghain ng sickness benefit.

Gayunman ay kailangan ding makapagpakita ng patunay na sila ay nagkaroon ng sintomas.

Ayon sa kanya, sa kanilang nasasakupan dito sa Hilagang Luzon ay mahigit dalawang daan pa lamang ang nakapagrequest ng sickness benefit mula ng magkaroon ng pandemya.