Patay ang isang miyembro ng Ansar Al-Khilafa Philippines matapos maka-engkuwentro ang pulisya sa bayan ng Maasim sa lalawigan ng Sarangani, dakong alas-6:00 kaninang umaga.
Sa report na inilabas ng Police Regional Office-12 na nakarating sa Kampo Crame, ang napatay na terorista ang siyang nasa likod umano nang pagpapasabog sa General Santos City noong September 16, 2018.
Kinilala naman ni PNP Region 12 director C/Supt. Eliseo Rasco ang napatay na si Bassir Sahak, habang sugatan ang ama na si Kupang Sahak kasunod ng ginawang manhunt operations ng pulisya sa Sitio Lebe, Barangay Daliao.
Nakuha mula sa pinangyarihan ng engkuwentro ang labi ni Bassir Sahak, isang M-16 rifle, isang bandolier, backpacks, cellphones at ilang IED o improvised explosives device.
Batay sa intelligence report na hawak ng PNP Region 12, si Saha ang siyang pinuno nang tinagruiang Special Operations Group ng Al Ansar Al Khilafa Philippines na siyang in-charge sa liquidation at iba pang money making activities.
May direkta rin itong ugnayan sa mga ISIS inspired group sa Sulu gayundin kina Dawla Islamiyah leader Abu Toraife at sa iba pang ISIS inspired groups sa ibayong dagat.