-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Magbibigay ng 100,000 pesos si M’lang Mayor Russel Abonado, sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng 3 mga suspek sa panununog ng isang unit ng YBL alas-4:40 nitong Huwebes ng hapon sa Bialong, Mlang, North Cotabato.

Personal naman na tinungo ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco ang lugar kung saan sinunog ang bus.

Kasabay nito inatasan ng gobernadora ang mga otoridad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa karumaldumal na krimen kung saan isa umano sa 3 suspek nanunog sa bus ay isang menor de edad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Bernard Tayong II ,MDRRMO Official ng M’lang, North Cotabato, mahigpit na kinokundena ng mga opisyal ng lokal na gobyerno ng kanilang bayan ang pangyayari na ikinamatay ng 3 inosenteng mga biktima at ikinasugat naman ng 5 iba pa.

Dagdag pa ni Tayong, wala naman umano silang natanggap na threat o banta sa kanino mang indibidwa o grupo.

Kasabay nito ipinasiguro ng opisyal na mananagot ang sinumang may kakagawan sa nasabing panununog na isang uri ng pananabotahe sa siguridad at kapayapaan sa kanilang bayan.