-- Advertisements --

Nagpaalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Health (DOH) sa publiko na iwasan ang paninigarilyo sa mga pampublikong sementeryo at memorial park sa pagdiriwang ng “Undas” o All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Nob. 1 at 2.

Sa joint press release, sinabi ng dalawang ahensiya na lahat ng local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) ay may kanya-kanyang komprehensibong smoke-free ordinance.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Carlo Dimayuga III na lahat ng LGU sa NCR, bawal manigarilyo sa mga partikular na pampublikong lugar kabilang ang mga sementeryo, memorial park, at columbaria.

Dagdag pa rito na ang smoke-free task forces ay binuo ng mga LGU sa NCR para matiyak na masusunod ang smoke-free policy.

Maaaring mapatawan ng multa mula P500 hanggang P5,000 ang mga lumalabag.

Pinayuhan din ni Dimayuga ang mga nagbabalak bumisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay na mag-ingat at sundin ang mga minimum na protocol sa kalusugan ng COVID-19.

Samantala, hinimok din ni Director Neomie Recio, acting head ng MMDA Health, Public Safety, and Environmental Protection Office, ang publiko na suriin ang iba pang mga regulasyong pangkalusugan na ipapatupad.