Nagsagawa ng pagpupulong ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) ngayong araw upang pag-usapan ang kahandaan ng Metro Manila sa mga hamon ng tag-ulan.
Pinangunahan ni MMDA Deputy Chairman Usec. Frisco San Juan Jr., kasama ang MMDRRMC Senior Vice Chairperson George Keyser at Metropolitan Public Safety Office Head Atty. Crisanto Saruca Jr., ang nasabing pagpupulong kung saan kasama ang mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Isa sa mga pangunahing tinalakay ay ang mga hakbang para maiwasan ang pagbaha sa mga kalsada ng Metro Manila, pati na rin ang mga hakbang para maiwasan ang pagbigat ng trapiko dulot ng malakas na pag-ulan. Binigyang-pansin din ang pagkalat ng mga water borne disease na posibleng magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga residente.
Dagdag pa rito, tinalakay din ang paghahanda para sa darating na Metro Manila Shake Drill sa ika-31 ng Hulyo, na layuning maitaas ang kamalayan ng publiko sa tamang gawi at pagkilos sa panahon ng lindol.
Sa kabuuan, patuloy ang pagtutulungan ng MMDA at MMDRRMC upang tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan ng Metro Manila sa panahon ng anumang sakuna o kalamidad.