-- Advertisements --
motorcycle riders

Binigyang diin ng Metropolitan Manila Development Authority ang kahalagahan ng Motorcycle Riding Academy upang mabawasan ang mga naitatalang aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga motorsiklo.

Sa isang pahayag, sinabi ni MMDA Chairperson Atty. Romando Artes na batay sa datos na naitala ng kanilang ahensya ay umabot sa kabuuang 24,000 ang aksidente noong nakaraang taon na pawang motorsiklo ang involved.

Kung susumahin aniya ay tinatayang 2,000 ang naitalang aksidente kada buwan noong nakaraang taon at 258 dito ay nagresulta sa pagkamatay.

Nabatid din ng ahensya na ang ulat ng World Health Organization noong 2018 ay nagpakita na ang Pilipinas ay nasa ika-11 sa 175 na bansa sa mga tuntunin ng pinakamataas na bilang ng pagkamatay sa trapiko sa kalsada.

Ang Motorcycle Academy ay masisilbing refresher course para sa sa lahat ng motorcycle riders para sa traffic rules and regulations, kaligtasan sa trapiko at disiplina kabilang rin sa kurso ang basic riding skills training baka makaiwas sa aksidente.

Hinikayat rin ni MMDA Chairperson Atty. Romando Artes ang lahat ng motorcycle riders na mag enroll na nasabing kurso dahil ito ay libre lamang.

Samantala, sa pagtataya ng ahensya ay dadami pa ang mga maitatalang aksidente sa motor dahil marami ang naeenganyong bumili nito dulot ng traffic lalong lalo na sa Metro Manila.

Paglalahad naman ni Artes na ang MMDA ay nakipag-ugnayan sa ibat-ibang motorcycle riding app upang mabigyan ng priority sa employment ang mga motorcycle riders na graduate sa naturang refresher course ng ahensya.

Ang programa ay inaasahang masisimulan ngayong unang quarter ng taong 2023.