-- Advertisements --

Hiniling ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) na maglabas ng mga plate licenses na may parehong huling numero sa mga motoristang nagpaparehistro ng kanilang mga bagong sasakyan.

Ayon kay MMDA chairman Romando Artes, ito ay upang magkaroon ng kaparehong ending plate number ang isang indibidwal na mayroon nang sasakyan na bibili pa ng bagong sasakyan bilang alternative vehicle nito para sa number coding scheme.

Sa ngayon nakapagsumite na aniya ng formal letter ang MMDA sa LTO hinggil sa mungkahing ito nag naglalayon na hikayatin ang mga Pilipino na huwag nang bumili pa ng mas maraming sasakyan upang makabawas na rin sa mabigat na trapiko sa bansa.

Samantala, sa kabilang banda naman ay pinabulaanan ni Artes ang mga alegasyon na “anti-poor” ang mga bagong amyendang number coding scheme na iminungkahi ng kanilang kagawaran kasabay ng paglilinaw na hindi kasama sa naturang panukala at kautusan ang mga public utility vehicles (PUVs) na pangunahing ginagagamit ng mga pasahero patungo sa kani-kanilang mga destinasyon.