Ikinokonsidera ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang legal na aksiyon laban sa transport group na Manibela kasunod ng pananakit ng raliyista sa isang traffic enforcer sa kasagsagan ng transport strike.
Sa isang press conference ngayong Huwebes, Marso 27, sinabi ni MMDA chairperson Romando Artes na ang mga naging aksiyon ng mga nagpo-protesta ay maituturing bilang assault sa isang person of authority na nagpapatupad lamang ng kaniyang tungkulin.
Inihayag din ng MMDA official na ang ganitong pananakit ay may kaukulang parusa sa batas.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na komento ang panig ng Manibela kaugnay sa planong legal aksiyon ng MMDA.
Matatandaan, sinimulan ng Manibela ang 3 araw na transport strike noong araw ng Lunes bilang protesta sa umano’y maling datos sa mga nag-consolidate na jeepney operators sa Public utility vehicle modernization program ng pamahalaan.
Nitong Miyerkules nang tiketan ng MMDA traffic enforcers ang 15 jeepneys mula sa Manibela dahil sa pagharang sa isang porsyon ng Connecticut Street corner EDSA na humantong naman sa girian sa pagitan ng magkabilang panig.