Ipinagmalaki ni Metropolitan Manila Development Authority Acting Chairman Atty. Romando Artes na mayroon daw na ‘slight improvement’ sa pamamahala ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ayon kay Artes, isa sa salik na nakatulong dito ay ang EDSA Bus Carousel at bukod pa raw ang mga additional road at bridges na isinasagawa ng pamahalaan– kasama na rin daw ang subways at iba pang mass transportation.
Habang pagdating naman daw sa usapin ng basura ay wala raw silang gaanong problema rito dahil pinaiigting daw nila ang aksyon nila at hinahakot naman din daw ng mga LGU at naisasaayos naman daw ang waste management.
Dagdag pa niya, mas inaayos din daw nila ang mga existing nilang mga pump station, pinalalakas ang capacity bukod pa rito ang itatayo pang bagong pumping stations katuwang ang Department of Public Works and Highways.
Inaasahan ng ahensya na makatutulong ito upang makontrol ang pagbaha sa kamaynilaan.
Sa huli sinabi rin ni Artes na marami pa raw silang isasagawang proyekto partikular na public safety ng kanilang nasasakupan.