Isinusulong ng Metropolitan Manila Development Authority ang ilan sa mga praktikal na paraan ng solid waste management.
Ito ay isinagawa sa pamamagitan ng Metro Manila Flood Management Project Phase 1 na may layuning mabawasan ang pagbaha sa kalakhang Maynila.
Ayon sa ahensya hindi raw lahat ng kalat ay dapat itapon. Ang mga lumang diyaryo ay maaari raw i-recycle o dalhin sa junkshop habang ang mga balat ng prutas at dahon ay maaaring i-compost.
Dagdag din nila, kung hindi raw kasi itatapon ng wasto ang mga basura ay pu-pwede itong abutin ng mahabang panahon bago mabulok.
Samantala, inilahad naman ng MMDA na nakatuon din ang Component 2 ng nasabing proyekto sa pagpapabuti ng mga serbisyo sa koleksyon at pamamahala ng basura kagaya na lamang ng Information, Education, and Communication (IEC) campaign; paggamit ng modernong teknolohiya at pagpapatupad ng mga pamamaraan upang muling mapakinabangan ang mga basurang nakokolekta.