-- Advertisements --

Kumbinsido si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes na malaki ang maitutulong ng iminumungkahi nilang “daylight saving time” para maibsan ang problema sa lagay ng trapiko sa Metro Manila.

Ayon kay Artes, maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay maganda naman ang pagtanggap sa mungkahi nilang ito.

Sa daylight saving time, gagawin nang mas maaga ang pasok sa lahat ng mga opisina sa gobyerno upang makatulong para mabawasan man lang ang mga sasakyan na dumadaan sa mga pangunahing kalsada.

Kaya naman sa susunod na linggo ay ipiprisinta nina Artes sa Civil Service Commission ang naturang isyu para sa kanilang gabay din sa pagbabago na mangyayari sakali mang matuloy ang daylight saving time.

Nabatid na bago pa man tumaas ang presyo ng gasolina, ang volume o dami ng sasakyan na dumadaan kada araw sa EDSA ay 392,000 pero noong sumirit na ang presyo ng langis ay naging 370,000 na lamang ito.

Ang bilang na ito ay nakikita nina Artes na bababa pa kapag matuloy ang daylight saving time na kanilang inimumungkahi.