-- Advertisements --

Magbibigay ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng libreng sakay para sa mga commuters na maaapektuhan ng malawakang tigil pasada ng transport group ngayong araw, Marso 15.

Sa isang statement, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na nasa kabuuang 20 sasakyan kabilang ang 11 commuter vans, anim na bus at 3 military trucks ang idedeploy sa kasagsagan ng transport strike ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston).

Ayon kay Artes ang mga bus ng ahensiya at trucks ay ipapakalat para makasakay ng libre ang mga commuters patungo sa mga EDSA Bus Carousel.

Maglalagay ng “libreng Sakay” signage sa mga Bus Carousel para madaling makita ng publiko.

Maliban pa dito, gagamitin din ang Pasig River Ferry Service bilang alternatibong transportasyon para sa mga commuters.

Inatsan din ang mga traffic personnel at Road Emergency Group members na naka-deploy sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila para maasistihan ang mga motorista at commuters na maapektuhan ng transport strike.

Nauna rito, nag-anunsiyo nasa dalawang dosenang transport group na Piston na magsasagawa ng malawakang protesta ngayong araw para sa pagkontrols sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang mga bilihin, pagtanggal ng oil deregulation law at excise tax at hiling na pagtaas sa minimum wage sa gitna ng sunud-sunod linggong pagtaas ng oil price hike.