Matapos ang isang pag-aaral noong 2023 na pinangalanan ang trapiko sa Metro Manila bilang pinakamalalang trapiko sa 387 lugar sa buong mundo, inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipapatupad nito ang komprehensibong mga interventions sa pamamahala ng trapiko.
Nanguna kasi ang Metro Manila sa 2023 TomTom Traffic Index ranking na may pinakamabagal na oras ng paglalakbay.
Sinabi ni MMDA acting Chairperson Don Artes na ang kanilang mga plano ay kinabibilangan ng pag-aaral ng iminungkahing EDSA elevated walkways, at pagrekomenda ng subway o underground construction para sa mga susunod na tren.
Dagdag pa rito, sinabi niya na ang mga patuloy na intervention ng ahensya ay kinabibilangan ng mga pag-improve sa MMDA Communications and Command Center, mga pagpapahusay na pinondohan ng Japan sa mga intersection sa Metro Manila, ang Intelligent Transport System (ITS), at regular na clearing operations na isinasagawa ng Special Operations Group-Strike Force.
Binigyang-diin ng MMDA chief ang pangangailangan ng kooperasyon ng mga mamamayan para maibsan ang trapiko.
Samantala, ipinahayag ni Artes ang intensyon ng MMDA na makipag-ugnayan sa mga lumikha ng TomTom Traffic Index upang magtanong tungkol sa mga pamamaraan ng pag-aaral, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pag-unawa sa mga kadahilanan tulad ng aktwal na bilang at oras ng pag-aaral.
Bukod dito, tinukoy niya ang iba’t ibang mga salik na nag-aambag sa palaisipan sa trapiko, kabilang ang dami ng sasakyan, pagbabara ng lane, pag-aayos ng kalsada, patuloy na mga proyektong pang-imprastraktura, at ang pagsuspinde ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).