Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pansamantalang masususpinde ng number coding o Unified Vehicular Reduction Program ang kanilang pamunuan sa Huwebes at Biyernes Santo para sa Semana Santa.
Ang number coding scheme ay masususpinde simula Abril 17 hanggang Abril 18 na idineklara na pawang mga regular holidays.
Ito rin ay bahagi ng paghahanda ng MMDA sa mga maaring buhos ng mga pauwi ng kani-kanilang probinsiya na siyang inaasahan na mas maguumpisa ng mas maaga pa sa Holy Week.
Nauna na dito ay nakapagtalaga na ng higit 2,542 na mga personel ang kanilang pamunuan bilang bahagi ng preparasyon nila sa Semana Santa.
Itatalaga ang mga ito sa mga pantalan, terminal at mga paliparan bilang dagdag na seguridad sa mga key areas sa Metro Manila.
Samantala, kaugnay nito ay mananatiling bukas ang tanggapan ng MMDA Communication and Command Center sa mga araw na ito para sa tuloy-tuloy na monitoring ng mga lansangan at mga pangunahing terminals sa kalakhang Maynila.