-- Advertisements --

Umapela ang Metropolitan Manila Development Authority sa mga kumakandidato hinggil sa malilikhang basura ngayong darating na eleksyon.

Habang papalapit kasi ang araw ng halalan, kaliwa’t kanan na ang mga naglipanang posters ng mga tumatakbo sa iba’t ibang posisyon ng gobyerno.

Dahil dito, inihayag ni Undersecretary Procopio G. Lipana ng Metropolitan Manila Development Authority na sila ay umaapela sa mga kandidato na maging masinop sa kanilang magaganap na kampanya.

Ani pa niya, malaki ang epekto nito sa magiging sitwasyon ng kalinisan sa buong Metro Manila kaya siya’y nagpaalala na maging responsable ang bawat isa.

Alinsunod sa kanyang naging apela, ibinahagi naman ng naturang undersecretary ang kawalan ng disiplina ng mga Pilipino pagdating sa responsible waste management.

Giit niya, ang karamihan umano ay hindi marunong pagdating sa tamang pag-sasaayos ng mga basurang nalilikha kada-araw.

‘Majority of our Filipino are not mindful yung kanyang responsibility pagdating sa responsible waste management,’ ani Undersecretary Procopio G. Lipana ng Metropolitan Manila Development Authority.

Samantala, kasabay ng inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority na programang “Clean Metro Manila”, sinabi ni Undersecretary Procopio G. Lipana na mayroon silang nakikitang hadlang upang makamit ito.

Ayon sa kanya, walang patutungahan umano ito kung hindi matuturuan ang mga Pilipino ng responsableng pagsasaayos ng basura.