Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa paggamit sa mga lamppost para sa mga campaign material at mga commercial advertisement.
Ito ay kasunod ng inilabas ng ahensiya na MMDA Regulation No. 24-001 Series of 2024.
Nakasaad sa naturang memo na tanging ang MMDA at ang Metro Manila Film Festival kasama na ang government agencies, ang maaaring maglagay ng ads o announcement sa mga lamp post nito.
Maging ang mga election campaign posters ay pinagbabawalan ding idikit o ikabit sa mga naturang poste.
Batay sa regulasyong inilabas ng ahenisya, lahat ng mga material na ikinakabit sa mga ito ay kailangang maaprubahan ng director ng MMDA Metro Parkway Clearing Group (MPCG).
Inilabas ng ahenisya ang bagong regulation order kasunod na rin ng pagkakabit ng isang pribadong kompanya ng mga commercial advertisement nito sa mga lamp post ng MMDA na matatagpuan sa mga pangunahing kakalsadahan ng NCR.
Ang mga violator ay papatawan ng multang nagkakahalaga ng P5,000 para sa bawat posteng gagamitin.
Maaari ding maharap ang mga ito sa criminal, civil, at administrative charges sa inisyatiba ng MMDA.