Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority sa publiko hinggil sa kumakalat at naglilipana ngayong mga traffic violation text scam.
Ayon sa ahensya, hindi kailanman sila nagpapadala ng text message o ano mang notice na nagsasabing kailangan bayaran ang multa sa pamamagitan ng isang link.
Ang nasabing text message kasi ay ginagamit ang pangalan ng Land Transportation Office, at nakasaad na ang kanilang sasakyan ay may traffic violation.
Kasama rin sa mensahe ang isang link upang mabayaran ang naturang multa na kapag pinindot ay nag di-direkta ito sa isang pekeng website.
Pagkatapos nito ay may lalabas din na online payment channels na kapag itinuloy ang proseso ay maaari nang makuha ang impormasyon at gayundin ang kanilang perang nakalagay sa online bank accounts.
Kaya naman nagpaalala ang MMDA na huwag basta pindutin ang link na may kahina-hinalang text message upang maiwasang mabiktima ng anumang mga scam.
Kung sakaling makatanggap daw ng ganitong klaseng mensahe ay tumawag lamang sa MMDA Hotline 136 o mag message sa MMDA official accounts upang agaran nila itong magawan ng aksyon.
Samantala, patuloy naman na nakikipagtulungan ang MMDA at LTO sa mga awtoridad upang mahuli ang mga nasa likod ng mga panlolokong ito sa mga motorista.