-- Advertisements --

Umalalay din ang medical teams ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga debotong nagtamo ng injury sa kasagsagan ng Traslacion ngayong araw ng Huwebes, Enero 8, 2025.

Aabot sa 120 deboto ang nilapatan ng tulong medikal simula nang ideploy sila ngayong araw sa lungsod ng Maynila para sa taunang prusisyon ng Itim na Poong Hesus Nazareno na dinagsa ng maraming mga deboto.

Base sa datos mula sa MMDA, nasa 97 sa mga deboto ay minonitor ang kanilang blood pressure habang ang 14 na iba pa ay binigyan ng minor medical assistance.

Mayroon ding kabuuang 9 na deboto na ginamot matapos magtamo ng malalim na sugat.

Nauna na ngang ipinag-utos ni MMDA chairperson Don Artes ang pagpapakalat ng medical teams noon pang Enero 7 dahil sa inaasahang pagbuhos ng mga deboto sa lungsod para sa taunang kapiyestahan ng Simbahang Katolika.

Kung saan nasa kabuuang 1,200 MMDA personnel ang idineploy para umasiste sa prusisyon.