Nagbigay ng abiso ang Metropolitan Manila Development Authority sa publiko na limitado lamang ang kanilang operasyon at isasagawang transaksyon sa kanilang tanggapan sa Pasig City ngayong araw, Hulyo 2, 2024.
Diyan iyan sa kanilang Head Office Building sa Doña Julia Vargas Avenue, Barangay Ugong, Pasig City.
Ito ay sa kadahilanang idineklara ng Malacañang ang araw na ito bilang isang special non-working holiday sa nasabing lungsod dahil sa pagdiriwang nila ng 451st founding anniversary o ‘Araw ng Pasig’.
Ngunit siniguro naman ng MMDA na mananatili ang pagbibigay nila ng mga traffic updates upang mabantayan ang lagay ng trapiko sa pangunahing mga lansangan sa Metro Manila, at gayundin ang pagpapatuloy ng mga ito na magsagawa ng operasyon sa iba nilang satellite offices.
Samantala, kung sakali man na may katanungan ukol sa trapiko, road assistance, restriksiyon sa pagbiyahe, batas trapiko, number coding scheme at iba pa ay tumawag lamang daw sa MMDA Hotline 136 at mag-iwan ng mensahe sa kanilang official social media platforms upang matugunan ang inyong mga katanungan.