Naghahanda na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa gaganaping Metro Manila Film Festival Parade of Stars sa darating na Sabado, December 21.
Ang parada ang siyang inaasahang magiging opening act para sa 50th edition ng MMFF na dadaluhan ng mga bigating personalidad na siyang tampok sa mga pelikulang ipapalabas sa mismong araw ng pasko.
Makikita rin sa parada ang mga magagarbong floats mula sa 10 opisyal na entries sa naturang film fest.
Ayon kay MMDA at MMFF Concurrent Chairman Atty. Don Artes, inaasahan aniya ng kanilang pamunuan na dadagsa ang mga tao sa magiging ruta ng parada para makita ang kani-kanilang mg iniidolo.
Nagtalaga naman din aniya agad ang kanilang ahensya ng deployment plans kung saan higit 3,000 na mga MMDA personnels ang kanilang ipapakalat sa mga dadaanang ruta ng parada para sa crowd control at pagsiguro na rin na mgiging maayos ang daloy ng trapiko sa araw na iyon.
Samantala, maguumpisa naman ang parada pasado 3:00pm ng hapon simula sa Kartilya ng Katipunan hanggang Magallanes Drive sa may Manila Central Post Office.
Pagkatapos ay magkakaroon naman ng tsansa ang publiko na magkaroo ng meet and greet sa kanilang mga idolo at susundan ng isang music festival.
Samantala, bilang parte naman ng kanilang management plan ay magpapatupad ng temporary lane closures at stop-and-go scheme simula 12:00nn ng tanghali hanggang 8:00pm.
Ilan sa mga daanang ipapasara ay ang Padre Burgos, Quintin Paredes, Reina Regente, Abad Santos Ave., Tayuman St., Lacson Ave., Espana Blvd., Nicanor Reyes St., at iba pang pngunahing lansangan sa Maynila.