Pinaghahandaan na ngayong Metropolitan Manila Development Authority ang napipintong pagtatapos ng itinakdang deadline ng pamahalaan para sa consolidation ng mga public utility vehicle sa bansa sa darating na Abril 30, 2024.
Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes, makikipag-ugnayan na sila sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa pagkakasa ng joint operations laban sa mga pampubliko ng jeepney na bigong makapagpa-consolidate.
Layunin nito na hulihin ang lahat ng mga colorum na sasakyan, hindi lamang ang mga ilegal na nag-o-operate kundi maging ang mga hindi nakapagpaconsolidate.
Una nang iniulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na noong buwan ng Marso ay pumalo na sa 80% ng kabuuang bilang ng PUVs sa ating bansa ang nakapagpa-consolidate na unang bahagi ng PUV modernization program ng pamahalaan.
Magugunita rin na ang hakbang na ito ng gobyerno ay umani rin ng samu’t saring batikos at reaksyon mula sa iba’t-ibang grupo ngunit gayunpaman ay una nang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na ito muling palalawigin pa.