Pinayuhan ang mga motorista sa paligid ng Philippine International Convention Center (PICC) at Palasyo Malacañang na dumaan sa mga alternatibong ruta at iwasan ang mabagal na daloy ng trapiko sa Martes, Agosto 13 para sa nakatakdang homecoming parade ng mga atletang Pilipino na lumahok sa 2024 Paris Olympics.
Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Sabado na ang Heroes’ Grand Homecoming Parade ay nakatakda sa ganap na 3:00 p.m. mula sa PICC hanggang Palasyo Malacañang.
Magsisimula ang parada sa V. Sotto Center Island, kakaliwa sa Roxas Blvd., kakanan sa P. Burgos Avenue, didiretso sa Finance Road, didiretso sa Ayala Blvd., didiretso sa P. Casal St., Legarda St., kakanan sa Mendiola St. at kakanan sa Jose Laurel St.
Sinabi rin ng MMDA na magpapatupad sila ng stop-and-go scheme para sa mga pangunahing kalsadang dadaanan ng parada.