Nagbigay na ng abiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ilang mga pangunahing daan sa paligid ng Bonifacio Monument Circle ang pansamantalang isasarado para sa pagdiriwang ng ika-161 na kaarawan ni Gat Andres Bonifacio.
Kabilang sa mga daanang ito ay ang MacArthur Highway mula sa Calle Cuatro papuntang Monumento at Samson Road mula sa corner Lapu-Lapu Street hanggang Monumento.
Kasama din sa pansamantalang isasara ang mga daanan sa Rizal Avenue mula sa 10th Avenue hanggang Monumento at EDSA Northbound mula General Rosendo Simon sa Monumento ang isasara rin sa parehong araw.
Magtatalaga naman ang Caloocan Local Government units ng mga traffic enforcers at emergency groups pati na rin mga patrol sa araw na iyon para hindi maapektuhan ang daloy ng trapiko at ang isasagawang programa sa Monumento.
Para naman sa mga motorista, inabisuhan ang mga ito na gumamit muna ng mga alternatibong ruta para makaiwas sa maaaring bigat ng daloy ng trapiko sa araw na ito.
Ilan sa mga binigay na alternatibong ruta ay simula sa pagliko sa kanan ng Reparo Road papuntang Araneta Avenue at patungong 10th avenue.
Kung galing naman sa Rizal Avenue at patungong EDSA, maaaring dumaan ang mga motorista sa 10th Avenue at 5th Avenue para makarating dito.
Sa mga motorista namang patungong Sangandaan Road mula sa Rizal Avenue, maaari namang kumaliwa ang mga motorista sa 10th Avenue at dumaan sa Heroes Del96 hanggang makarating ng Samson Road pagkatapos ay kumaliwa sa Caimito Road at tsaka kumaliwang muli sa MAcArthur Highway.
Samantala, ang mga saradong daan ay muli namang bubuksan sa tanghali pagkatapos ng commemoration program sa lugar.