Kinumpirma ng Metropolitan Manila Development Authority na nagpadala na ito ng 50-man contingent na siyang tutulong sa mga komunidad na apektado ng bagyong Kristine sa Bicol Region.
Kabilang sa naturang bilang ang 30-man contingent clearing team na tutulong na linisin ang mga kalsadang nasira at nabarahan ng mga punong natumba.
Kasama rin sa ideneploy ay ang 20-man contingent search and rescue team na tutulong naman sa mga lugar na apektado ng mga pagbaha dulot ng bagyo.
Dala-dala ng grupo ang 40 solar-powered water filtration systems, aluminum na mga bangka, dalawang engine-operated rubber boats, 20 small fiberglass boats, 1,000 life vests, 6 chainsaws, mga modular tent kabilang na ang mga gamot para sa sakit na leptospirosis.
Sa isang pahayag, sinabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na hati ang trabaho ng dalawang grupo; ang una ay tutulong para malinis ang daan at ang isang grupo ay tututok naman sa apektadong lugar na baha pa rin ngayon.
Patuloy naman ang pakikipag ugnayan ng MMDA sa iba pang mga concerned agencies kabilang na ang Office of Civil Defense.
Tugon ito ng MMDA sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang mga residente sa Bicol Region at iba pang lugar na apektado ng bagyong Kristine.