Umabot sa 870 tonelada ng mga basura ang nahakot ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Metro Manila kasunod ng malawakang pagbaha na dulot ng supertyphoon Carina at Hanging Habagat.
Ang naturang volume ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes, ay inaasahang lalo pang tataas dahil sa nagpapatuloy pa ang ginagawang clearing operations at may mga lugar pang nangangailangan ng mahaba-habang paglilinis.
Marami sa mga naturang basura ang naitambak sa mga kakalsadahan, drainage, pampublikong lugar, at iba pang inabot ng tubig baha.
Napuno rin ng putik ang ilang lugar dahil sa pag-apaw ng mga kailugan na nagdala ng mga makakapal na putik.
Samantala, sa gitan ng clearing operations ay nakatuon aniya ang MMDA sa pagsasa-ayos sa Malabon-Navotas River Navigational Gate na naging dahilan upang malubog sa tubig baha at tubig-alat ang maraming komyunidad dito.
Ayon kay Artes, bagaman kumplikado ang pagsasaayos sa naturang gate, kailangang maisagawa ang kaukulang akyson ukol dito sa lalong madaling panahon.
Tiniyak na rin aniya ng Department of Public Works and Highways(DPWH) ang pagtutok sa naturang problema upang maabot ang timeline sa rehabilitasyon nito.