Nakikiisa ang Metropolitan Manila Development Authority sa mga programa at aktibidad na inilulunsad ng pamahalaan bilang paghahanda sa pagdating ng sakuna at kalamidad sa ating bansa.
Ayon sa ahensya, maigting daw na pinangangasiwaan ng MMDA Metropolitan Public Safety Office (MPSO) ang disaster and emergency response efforts para sa kanilang mga residente sa Metro Manila.
Pinagtutuunan nila ito ng pansin, lalo na ngayong selebrasyon ng National Disaster Resilience Month at ngayon ngang 2024 ito ay ipinagdiriwang na may temang “Bantayog sa Katatagan at ang Pagbubuklod sa Layuning Kahandaan.”
Ito ay ginugunita tuwing Hulyo na may layuning masiguro ang kahandaan at kamalayan ng publiko sa panganib na dulot ng mga kalamidad at magkaroon ng epektibong pagtugon laban sa mga sakuna.