Todo panawagan ngayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga deboto ng poong Itim na Nazareno na panatilihin ang kalinisan ng kapaligiran.
Inaasahan na rin kasi ang tambak ng mga basurang iiwan kasabay ng pagdaraos ng mga aktibidad para sa Nazareno 2023, bilang kapalit ng tradisyunal na Traslacion.
Kaya naman apela ng MMDA sa publiko, huwag magkalat sa Quirino Grandstand gayundin sa rutang daraanan ng walk of faith, para na rin sa kapakanan ng mas nakararami.
Una nang sinabi ng MMDA, na magpapakalat sila ng 730 tauhan para tumulong sa pagmamando ng trapiko at clearing operations mula Enero 6 hanggang 9.
Ipakakalat din ang kanilang mga tauhan mula sa Sidewalk Clearing Operations Group, Western Traffic Enforcement at Metro Parkways Clearing Group, upang siguruhing malinis na iiwanan ang mga lugar na pinagdausan ng aktibidad.