Nanawagan ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority sa mga motorista na igalang pa rin ang mga Traffic Enforcer ng mga lokal na pamahalaan sa NCR sa kabila ng naging desisyon ng SC hinggil sa Single Ticketing System.
Ginawa ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes ang naturang pahayag, matapos na ipag-utos ng Korte Suprema sa mga LGU sa Metro Manila na tigilan na ang panghuhuli ng kanilang mga traffic enforcer sa mga motorista na lalabag sa batas trapiko.
Batay sa naging desisyon ng High Tribunal, kinikilala nito ang kapangyarihan ng MMDA na magpatupad ng batas trapiko alinsunod na rin sa batas na siyang lumikha rito.
Umapela rin ang opisyal sa mga motorista na huwag mamilosopo kapag hinuhuli ng traffic enforcers ng iba’t ibang LGU.
Iginiit pa ni Artes na maaaring magdulot ng trapiko sa oras na itigil ng Metro Manila LGUs ang pagi-issue ng violation ticket sa mga pasaway na motorista.
Aminado rin kase ang ahensya na kulang sila sa mga tauhan kayat patuloy silang gumagawa ng hakbang para ma-deputize ang mga traffic enforcer ng LGUs para maging katuwang ng MMDA.