Napagdesisyunan ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na panatilihin sa position bilang Special Operations Group Strike Force (SOG-SF) Head si Gabriel Go matapos ang mabusising deliberasyon ng kanilang tanggapan sa kinasangkutan nitong insidente sa pagkakasa ng clearing operations sa bahagi ng Quezon City.
Sa inilabas na pahayag ng MMDA at alinsunod sa mga utos ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes, sasailalim sa mentorship coaching on traffic management and discipline si Go na mayroon ding stress and anger management coaching.
Ang mga hakbangin na ito ay hindi nakikita ni Artes bilang isang parusa o punishment ngunit isang pagaaral na makabubuti para sa kaniyang self-improvement.
Tatagal ng limang araw ang mentorship training ni Go na pangungunhan ni MMDA Traffic Education Division Edison Nebrija.
Samantala, patungkol naman sa administrative case na kinakaharap ni Go dahil sa ginawa nitong discourtesy kay PCapt. Eric Felipe, ay binalaan na ng MMDA Legal and Legislative Affairs Staff si Go na maaaring may mas mahigpit na itong parusa sa hinaharap.
Pinaalalahanan naman ng MMDA ang mga enforcers at tauhan nito na ipatupad palagi ang maximum tolerance kapag nagkakasa ng mga operasyon at nakikipagdayalogo sa mga traffic violators at mainam na gawin ito sa isang maayos at kalmadong paraan para manaig pa din ang professionalism sa lahat ng pagkakataon.