-- Advertisements --

Sisimulan na ng mga Metro Manila mayors na bumalangkas ng operating guidelines para sa muling pagbubukas ng mga sinehan para sa magiging rekomendasyon nito sa Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay sa resumption ng operasyon ng mga movie theaters sa mga lugar na nasa general community quarantine.

Ito’y kahit pumayag ang IATF sa apela ng mga alkalde ng National Capital Region na ipagpaliban muna ang implementasyon ng pagbubukas ng mga movie theaters sa Kalakhang Maynila dahil sa pandemya.

Sa isang press briefing, sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na kabilang sa posibleng maging laman ng bubuuing guidelines ang minimum health protocols, pagpapasok ng pagkain sa loob, paggamit ng air conditioned units, temperatura sa loob ng sinehan, at iba pa.

Ayon pa kay Abalos, kaagad nilang tatalakayin ang implementing rules and guidelines ng ni-reschedule na reopening ng mga cinema sa Metro Manila kung sabihin ng IATF na kailangan itong ituloy.

Samantala, sinabi rin ni Abalos na papayagan na ring makalabas ang mga menor de edad mula 15 hanggang 17 sa Metro Manila.

Paglalahad ni Abalos, nagkasundo ang mga Metro Manila mayors na luwagan ang age restrictions na nagbabawal sa mga nasa edad 18 pababa na lumabas sa kanilang mga tahanan para sa non-essential travel.

Dagdag pa ni Abalos, ang pagbabagong ito ay dahil na rin sa kanilang napansin ang pangangailangan na balansehin ang kalusugan sa ekonomiya.

“The age in Metro Manila under GCQ is 18 to 65… Lahat ng mayors ay nagsabi na ang edad sa Metro Manila, kung pwede from 18 ay maging 16-65. I think halos lahat ay nag-agree dito,” wika ni Abalos.

“This is all about calibration” dagdag nito. “Titingnan mo: Binawasan natin ng 15. Nag-spike ba? Give it a few more weeks. Kung medyo maganda naman, hindi tumaas, babaan natin ulit.”

Una rito, sinabi ng Department of Health (DOH) na nakatakdang maglabas ng bagong guidelines ang pamahalaan para maging gabay ng mga pinahintulutang nang sinehan na mag-operate sa gitna ng pandemya.

Paliwanag ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, walang pagbabago sa guidelines na una nang inilabas ng DOH kung saan nilalaman nito ang paalala sa minimum public health standards.

Nitong araw sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na iniurong na sa March 1 ang reopening ng mga sinehan.

Pero nilinaw nitong naka-depende pa rin sa approval ng local government units ang pagbubukas ng naturang establisyemento.