Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority na pinapahintulutan pa rin ang mga bisikleta na dumaan sa Service Road ng EDSA-Kamuning sa Quezon City.
Ito ay sa kabila ng pagbabawal ng ahensya sa mga motorsiklo na dumaan sa naturang kalsada na ituturing na most congested highway sa buong Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, maaari pa ring gumamit ng service road sa EDSA-Kamuning ang mga indibidwal na nakabisekleta at may mga nakatalaga aniya na bike lanes sa lugar kung saan maaaring dumaan ang mga cyclists.
Paliwanag ng opisyal, hindi kasi aniya tulad ng mga motor na gumigitna at sumisingit, ang mga bike lane ay nananatiling nasa gilid lamang kung saan ito itinalaga dahilan kung bakit patuloy pinapayagang makadaan sa naturang lugar.
Sa kabilang banda naman ay pinapagamit ng alternatibong ruta ang mga motorcycle riders tulad ng Scout Borromeo, Panay Avenue, Mother Ignacia Avenue, at Scout Albano.
Kaugnay nito ay nanawagan naman si Artes sa mga motorist na huwag sanang magalit sa kaniya sapagkat alam naman aniya ng lahat na mayroong tendency na mag split lane o sumingit-singit ang motorcycle riders na maaari namang magdulot ng mas matinding daloy ng trapiko.