-- Advertisements --

Papanagutin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos ang mga nagpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa pagpapabakuna laban sa COVID-19.

Malaki ang hinala nito na tila sinadya ito at mali ang intensiyon ng nagpakalat ng maling impormasyon.

Nanawagan rin ito sa mga tao na huwag basta maniwala sa mga post sa social media at kung maaari ay tawagan o kontakin ang kanilang mga local government unit para matiyak ang nasabing posting sa pagpapabakuna.

Reaksyon ito ni Abalos sa nangyaring pagdagsa ng mga nais magpabakuna noong nakaraang araw sa lungsod ng Maynila kung saan ayon sa pekeng post sa social media ay tumatanggap sila ng mga ‘walk-ins’ na mahigpit na pinagbabawal.

Pinakahuli naman na biktima ay nitong Linggo kung saan maraming mga tao ang nagtungo sa Araneta Coliseum sa Quezon City.

Dahil umano sa pekeng social media post na puwede ang walk-ins ay dumami ang bilang ng mga tao.

Mariing kinondina ito ni Quezon City Mayor Joy Belmonte at tiniyak na kaniyang sasampahan ng kaso ang mga nagpakalat ng maling impormasyon.

Mariing iginigiit ng Quezon City Government na bawal pa rin ang walk-in sa kanilang sa mga vaccination center.