-- Advertisements --

Pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapalawig sa oras ng pagpapatakbo para sa MRT at LRT ngayong holiday season.

Sinabi ng MMDA na makikipag-ugnayan sila sa Department of Transportation (DOTr) para sa panukalang pagpapalawig ng oras upang matugunan ang mga manggagawa at mamimili sa mall dahil sa mas mahabang mall hours.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Don Artes, nais rin nilang maextend ang oras ng bus carousel para sa mga biyahero.

Kaugnay nito ay matatandaan na noong weekend ay bumigat ang daloy ng trapiko sa South Luzon Expressway at North Luzon Expressway.

Ngunit ayon kay Artes, hindi naman nito kasing-bigat ang trapiko sa Metro Manila.

Sinabi ni Artes na handa na rin ang ahensya sakaling magkaroon pa ng transport strikes dahil sa nalalapit na deadline para sa konsolidasyon ng mga PUJ.

Gayunpaman, iginiit ni Artes na hindi naman ganun kalaki ang epekto sa transportasyon ng mga ikinakasang transport strike ng mga transport group.